Paano nakatulong ang DOST na makakuha ng malinis na inuming-tubig sa Isla Silaki
Karapatan ng bawat mamamayan ang magkaroon ng access sa mapagkukunan ng malinis na tubig. At para sa mamamayan ng Isla Silaki, Bolinao, Pangasinan, ang pangunahing karapatang ito ay mayroong kaakibat na epekto mula sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado at panganib sa buhay.
From the DOST public archive. Original source publication date: 2026-06-02. Captured 2026-09-04. Read the original DOST source.
This record preserves information as published on the source website. It does not confirm that a historical opportunity, deadline, service requirement, contact, or planned project is current. Check with the responsible DOST office before acting.
Staged text edition: Source images are not included because image recovery was blocked. The captured article text is preserved; illustrations remain pending recovery.
Karapatan ng bawat mamamayan ang magkaroon ng access sa mapagkukunan ng malinis na tubig. At para sa mamamayan ng Isla Silaki, Bolinao, Pangasinan, ang pangunahing karapatang ito ay mayroong kaakibat na epekto mula sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado at panganib sa buhay.
Bagama’t napapalibutan ng tubig-dagat, ang Isla ng Silaki ay walang likas na pinagkukunan ng malinis na tubig. Ang pinagkukunan ng inuming tubig ay inaangkat pa sa kalapit na isla na kinakailangan pang maglakbay sa pamamagitan ng bangka sa loob ng 15 hanggang 20 minuto upang marating ito.
Kaya naman habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay lalong nagiging mahirap para sa mga mamamayan na makakuha ng tubig bilang pangunahing pangangailangan. Kaakibat pa nito ang pagod, hirap sa pagbubuhat ng tubig, at panganib lalo na kung masama ang panahon at maalon ang dagat.
Ibinahagi ng mangingisdang si Benedict C. Magno ang kanilang karanasan. “Bago po kami makakuha ng tubig, kailangan pa po namin magbangka sa kabilang isla,” ani Magno. “Kailangan pa po namin bumili ng gasolina para makakuha ng tubig. Hindi po basta-basta—kahit mahirap, pinipili po naming makapunta para lang may mainom. Kahit malakas ang hangin, kahit mapanganib, delikado po kasi, kailangan talaga,” aniya.”
Isa lamang si Benedict sa mga apektadong mamamayan na nakaranas ng malinaw na katotohanan: napapalibutan man ng tubig ang ating bansa ay hindi nangangahulugang may sapat na suplay ng malinis at ligtas na inumin.
Bilang tugon, nagpatupad ang Department of Science and Technology (DOST), sa pamamagitan ng DOST Ilocos Region, ng isang angkop na solusyon sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program.
Ipinatayo sa isla ng Silaki ang isang solar-powered water desalination facility—isang sistema na nagagawang inumin ang tubig mula sa dagat sa tulong ng agham at teknolohiya. Sa halip na umasa sa petrolyo, enerhiya mula sa araw ang ginagamit upang mapatakbo ang pasilidad, kaya mas matipid at napapanatili ang operasyon.
Ang pasilidad ay nakakakonsumo lamang ng 15 porsyento ng enerhiya mula sa 6.4-kilowatt na solar battery charging station, kaya’t ang natitirang 85 porsyento ay maaaring magamit ng mga residente para sa mga maliliit na appliances sa kanilang tahanan.
Dahil dito, nagkaroon na ng tuluy-tuloy at lokal na suplay ng ligtas na inuming tubig sa Silaki. Hindi na kailangang maglakbay ng mga residente o ilagay sa panganib ang kanilang sarili upang makakuha ng tubig.
Malaki rin itong tulong sa mga residente lalo’t ngayon na nagmahal ang presyo ng gasolina sa pandaigdigang pamilihan.
Aabot sa 380 na residente ang makikinabang sa 5,000 litro ng inuming tubig na mapo-prodyus ng naturang pasilidad. Malayo ito sa 400 litrong tubig na ibinibiyahe kada bangka mula sa kabilang isla.
Ang wastewater mula sa pasilidad ay maaari ring i-proseso at gawing asin na maaaring magamit ng mga residente o maibenta sa merkado.
Ayon kay DOST-Ilocos Regional Director Teresita A. Tabaog, naging matagumpay ang proyekto dahil sa pagtutulungan ng DOST, Local Government Unit ng Bolinao, at Rotary Club of Bolinao, katuwang ang aktibong pakikilahok ng komunidad.
Dagdag naman ni DOST-Pangasinan Provincial Director Engr. Arnold C. Santos, layunin ng proyekto na matugunan ang matagal nang suliranin sa tubig at matiyak na may sapat at ligtas na suplay ang mga residente para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang pagbabago sa isla. Naging mas magaan ang pamumuhay, nabawasan ang gastos sa petrolyo, at hindi na kailangang harapin ang parehong panganib araw-araw.
Ang dating mahirap at mapanganib na pagkuha ng tubig sa Silaki ay napalitan na ng isang mas ligtas at pangmatagalang sistema—patunay na ang agham, teknolohiya, at inobasyon kapag inilapit sa komunidad, ay nagiging konkretong solusyon sa pang-araw-araw na hamon ng buhay. (Ni Aryan Joy M. Soliman, DOST-Ilocos Region)
